Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isa sa tatlong suspek sa pagnanakaw ng dalawang ash urn sa loob ng Manila Memorial Park sa Parañaque.
Kinilala ang suspek na si Dionisio Layson, 30 taong gulang na dating caretaker sa nasabing himlayan.
Aniya, binabagabag na siya ng kanyang konsensya kaya sumuko na siya sa mga pulis.
Sa panayam sa Inquirer, sinabi ni Layson na hindi naman siya ang mismong nagnakaw sa loob ng musoleo ng pamilya Cruz. Ngunit umamin naman ito na siya ang nagbenta sa dalawang urn.
Itinuro niya sina Loui Alday at isang nakilala lamang sa tawag na Marvin na silang pumuta sa kanyang bahay at inutusan siyang ibenta ang dalawang urn sa halagang P1,900, kung saan P400 dito ang ibinayad sa kay Layson.
Ani Layson, parehong walang laman ang urn nang dalhin ito sa kanya ng dalawang suspek. Inamin rin ni Layson na ibinenta niya ang mga urn sa isang junkshop sa Barangay CAA sa Las Piñas City.
Kwento pa ng suspek, binalikan siya nina Alday at Marvin noong Biyernes. Dito na siya muling inutusan na magnakaw ng abo ng ibang tao at palabasin na ito ang mga abo ni Maria Pilar Cruz.
Ngunit matapos mapanood sa balita ang tungkol sa pagnanakaw ay nakonsensya na si Layson kaya naman lumutang na siya.
Bagaman naka-ditine ngayon ang suspek sa Parañaque City Police Station ay handa naman umano siyang makipagtulungan sa ikaaaresto nina Alday at Marvin, maging ang paghanap sa abo ni Cruz.
February 2004 nang matagpuan ang bangkay ni Cruz sa loob ng isang maleta sa New York City. Sinasabing nakaranas ng overdose sa anesthesia si Cruz matapos operahan ng isang pekeng doktor New York.