Aabot sa 80% sa halos isang daang pulis na nasa watchlist ng Philippine National Police-Counter-Intelligence Task Force (PNP-CIDG) ay sangkot sa iligal na droga.
Sinabi ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde na 77 sa 96 na mga pulis sa Metro Manila na kanilang binabantayan ay may kinalaman sa illegal drug activities.
Gayunman, iginiit ni Albayalde na nagpapatuloy naman ang beripikasyon sa mga ito at hindi aniya malayong tumaas o mabawasan pa ang nasabing bilang.
Ang mga nasa watch list ng NCRPO ay may mga ranggong Police Officer 1 (PO1) at naka-assign sa Maynila, Quezon city at Southern Police District (SPD).
Dagdag ni Albayalde na bahagi ito ng paglilinis sa kanilang hanay at alisin ang mga hindi gumagawa ng mabuti.
Noong Miyerkules, ibinunyag ng NCRPO chief na ilang Metro Manila police personnel ay sangkot sa extortion, kidnap for ransom at illegal drugs.