Binabantayan na rin ngayon ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang medium security compund ng New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay SAF Spokesperson Jonalyn Malnat, nasa 80 miyembro ng PNP elite force ang itinalaga sa medium security compound simula noong Huwebes.
Alinsunod na rin umano ito sa kautusan ni PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa noong Pebrero nang nakaraang taon na bantayan na rin ng SAF ang naturang kulungan matapos maiulat na talamak din doon ang transaksyon ng iligal na droga.
Nabatid na sa unang pag-apak pa lang ng SAF sa medium security compound, agad silang naglunsad ng Oplan Lightning Strike kung saan hinaluhog ang mga kulungan.
Nakarekober ang SAF ng 54 na sachet ng hinihinalang shabu, 1 sachet ng hinihinalang marijuana, iba’t ibang drug paraphernalia, cash na aabot sa P81,000, mga appliance, electronic gadgets, mga patalim at iba pang kontrabando.
Bago nito, una nang binabantayan ng SAF ang sa Bldg. 14 at maximum security compound ng NBP.