Mas magiging demokratiko, lehitimo at mabilis na ang mga imbestigasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos silang pagkalooban ng subpoena powers ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay CIDG Director Roel Obusan, mas magkakaroon ng “wisdom,” “accountability,” at “responsibility” sa kanilang mga gagwin ang lahat ng nabigyan ng kapangyarihan na maglabas ng subpoena.
Sa nilagdaang batas ni Pangulong Duterte, ipinapataw ang kapangyarihang ito sa PNP chief, director at deputy director for administration ng PNP-CIDG.
Tiniyak naman ni Obusan na hindi nila aabusuhin ang nasabing kapangyarihan.
Mas nakabubuti rin aniya ito dahil maaaring ipasilip ng subject ang subpoena laban sa kaniya, sa pamamagitan ng isang abogado o kung sinumang may nalalaman tungkol sa ganitong proseso.
Maliban dito, mas mapoprotektahan din ang karapatan ng mga tao at mababawasan din ang pangangailangan at pagsasagawa ng search warrants.
Samantala, naniniwala rin ang hepe ng CIDG-National Capital Region na si Senior Supt. Wilson Asueta, na mas magkakaroon ng ngipin ang kanilang ahensya sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Sa ganitong paraan kasi ay mas mabilis nilang mahihingi ang mga kailangang dokumento at ebidensya, pati na ang pagpapatawag sa mga indibidwal na kailangang imbestigahan.