Posisyon sa iba’t ibang isyu, posibleng dahilan ng impeachment laban kay Sereno
By: Cyrille Cupino
- 7 years ago
Posibleng may kinalaman ang posisyon ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa iba’t ibang mga isyu sa tangkang pagpapatalsik sa kanya sa pwesto.
Ito ang sinabi ni Sereno sa ginanap na forum na inorganisa ng Foreign Correspondents Association of the Philippines o FOCAP kung saan resource speaker ang Punong Mahistrado.
Matatandaang tinutulan ni Sereno ang desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kinontra rin ni Sereno ang extension ng Martial Law sa Mindanao na isa pang desisyon ng Duterte administration.
At nagpahayag rin ng pagkabahala ang Chief Justice sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat kay Pangulong Duterte matapos i-ugnay ang pitong judge na sangkot umano sa drug trade noong 2016.
Ayon pa kay Sereno, maaring hindi natuwa ang ilang mga tao sa kanyang mga naging desisyon, at posible rin na paraan ito ng pagpaparusa sa kanya dahil sa kanyang hindi pag-sangayon sa iba’t ibang mga isyu.