Pinaghahandaan na ngayon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa Camalig, Albay ang mga hakbang na kakailangan sakaling rumagasa ang lahar mula sa Bulkang Mayon.
Ayon kay Camalig Mayor Ding Baldo, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Barangay Tumpa, Sua, Quirangaym Salugan at Cabangan upang bantayang mabuti ang 6- kilometer permanent danger zone mula sa banta ng ash fall, lava flow at lahar flow.
Sinabi ng alkalde na patuloy din ang kanilang ginagawang pagpapaalala sa mga residente upang manatiling naka-alerto lalo na ang mga nasa tabing ilog tuwing bubuhos ang ulan.
Ang hakbang ay kasunod na rin ng babala ng PHIVOLCS dahil sa mga naipong lahar materials sa bunganga ng bulkan bunsod ng ilang beses na pagputok nito.
Samantala, balik-normal na ang klase sa mga paaralan sa tatlong barangay ng bayan ng Camalig matapos pauwiin na ang mga residente kasunod ng ginawang pagbaba sa Alert Level 3 ng Bulkang Mayon.