Ito ay matapos nang makabuo ng mga artificial islands ang China sa pinag-aagawang mga teritoryo kung saan isa ang Pilipinas sa mga claimant countries.
Sa sidelines ng taunang sesyon ng National People’s Congress (NPC) ay sinabi ni Deputy Communist Party Secretary of Sichuan Deng Xiaogang sa state media na Global Times na kinakailangang maproteksyunan ang likas na yamang taglay ng South China Sea.
Ayon kay Deng, kinakailangan ang isang national park para mapangalagaan ang marine ecology ng rehiyon.
Samantala, sinabi naman ng isa pang opisyal ng NPC na si Hainan Tropical Ocean University Party Chief Wang Changren na ang konstruksyon ng national park sa pinag-aagawang rehiyon ay makapagtataguyod sa kaalaman ng mga mamamayan sa kahalagahan ng teritoryo.
Ayon kay Wang, hindi dapat maging balakid ang agawan sa teritoryo sa nasabing panukala at iginiit na ang mga bansang umaangkin din sa mga teritoryo ay dapat magkasundo sa isang consensus na layong mapangalagaan ang marine ecology sa rehiyon.
Ayon kay Wang, ang South China Sea ay may mas malalim na katubigan kaysa sa iba pang water territories ng bansa.
Gayunman, sa kabila ng layuning mapangalagaan ang marine ecology ay maraming eksperto na kabilang si John McManus na direktor ng National Center for Coral Reef Research ng University of Miami ang nagpahayag na nakasira sa yamang dagat ang pagtatayo ng artificial islands ng China sa rehiyon.