5 ang sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Maynila

Kuha ni Justinne Punsalang

Kritikal ang kundisyon ng isang lalaki matapos tumilapon mula sa sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng Legarda Street na sakop ng Barangay 416, Maynila.

Sugatan rin ang dalawang angkas nito, maging ang dalawang sakay ng kanilang nakabanggaang motorsiklo.

Kinilala ang driver na kritikal ang kundisyon na si Arnel Gonzales.

Aminado ang angkas nito na si Sixto Basig na nagtamo naman ng sugat sa ulo na nakainom silang tatlo, kaya nang magkatamaan ang mga manibela ng dalawang motor ay nawalan ng kontrol ang driver.

Tanging si Gonzales lamang ang may suot na helmet.

Ayon sa driver ng nakabanggaang motorsiklo na si Jorell Sombrito, mabilis ang takbo nina Gonzales at tila umiwas ito sa hukay ng Maynilad kaya nagkasagian sila.

Kwento naman ng nakasaksi sa aksidente na si Benedict Romero, kapwa mabilis ang andar ng dalawang motor.

Nag-overtake pa umano sa isang taxi ang motor ni Sombrito kaya nakain nito ang linya na tinatakbuhan naman ni Gonzales, dahilan upang magkasagian ang kanilang mga manibela na nagresulta sa kanilang pagsemplang.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa aksidente upang malaman kung sino nga ba ang may kasalanan dito.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...