Measles outbreak sa buong Negros Oriental, pinag-iisipan nang ideklara

Pinag-iisipan na ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng Negros Oriental na magdeklara na ng measles outbreak sa buong lalawigan.

Pitong lugar na sa Negros Oriental ang naunang nagdeklara ng measles outbreak, ngunit umakyat na ito sa walo.

Nagsagawa kasi ng tatlong araw na fieldwork ang pinuno ng IPHO na si Dr. Liland Estacion kung saan nakumpirma niyang mayroon pang karagdagang apat na kaso ng measles sa Dumaguete City.

Mayroon ding isang minomonitor naman sa bayan ng San Jose.

Masiyado aniyang kalat-kalat ang mga naitatalang kaso, at sa ngayon ay inaalam pa nila kung saan ito nagmula.

Umaasa naman ang IPHO na maisusumite na nila ang rekomendasyon tungkol sa deklarasyon ng outbreak sa buong lalawigan sa kanilang regional office sa susunod na linggo.

Samantala, sa Kabankalan City sa Negros Occidental ay may binabantayan na rin na tatlong kaso ng measles.

Read more...