Aabot sa mahigit isandaan ang nawawala pa rin sa Ilocos dahil sa pinsalang idinulot ng bagyong Kabayan sa lalawigan kahit lumabas na ito sa Philippine Area of Responsibility.
Batay sa inilabas na report ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 1, nasa isandaan at dalawampu’t isa na mangingisda at dalawampu’t tatlo naman na fishing vessels ang hindi pa rin natatagpuan sa rehiyon.
Karamihan sa mga mangingisda na napabalitang nawawala ay sa probinsya ng Pangasinan.
Sa inisyal na isinagawang search and rescue operations, tatlumpu’t isa na mangingisda at limang fishing vessel na ang natatagpuan.
Tumutulong na ang Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Army at ilang volunteer na mangingisda sa rescue and search operations na isinasagawa sa La Union at Pangasinan.
Sa hiwalay na report ng RDRRMC ng Central Luzon, dalawang katao na ang kumpirmadong nasawi dahil sa hagupit ng Bagyong Kabayan sa mga probinsya ng Nueva Ecija at Aurora.
Kinilala ang mga biktimang sina Raquel Camilo, 57 taong gulang ng Barangay Luzok, Bongabong, Nueva Ecija at Samuel Corcoro, 29 taon gulang ng Barangay Debuco, sa bayan ng Maria Aurora sa Aurora province.
Sa huling tala ng RDRRMC, mahigit isang libo pa na pamilya ang nananatili sa pitong evacuation centers.
Tinatayang aabot sa dalawangdaan at labing anim na tahanan ang sinira ng Bagyong Kabayan habang mahigit labing anim na milyong piso naman ang napinsala sa imprastraktura sa Ilocos region.
Pumasok sa PAR ang Bagyong Kabayan noong Biyernes at lumabas naman ito ng umaga ng Sabado.