Impeachment trial ni CJ Sereno, posibleng hindi pa matuloy ayon sa isang senador

Nagpahiwatig si Senate Minority Floor leader Frank Drilon na maaring hindi pa matuloy ang impeachment trial ni on leave Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Aniya base sa mga pahayag ng pamunuan ng Mababang Kapulungan, hihintayin muna nila ang magiging hakbangin ng Korte Suprema sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.

Nakabase aniya sa magiging desisyon ng Supreme Court en banc kung ipapadala sa kanila o hindi ang Articles of Impeachment mula sa mga kapwa nila mambabatas sa Kamara.

Paliwanag nito sakaling ibasura ng Korte Suprema ang petisyon, posibleng ipadala sa kanila o hindi ang Articles, ngunit kapag napatalsik si Sereno ng mga kapwa niya mahistrado, wala nang saysay pa para ituloy ang impeachment trial.

Tumanggi naman si Drilon na magbigay ng direktang sagot ukol sa mga kumakalat na opinyon na Plan B ang quo warranto petition dahil malabnaw ang Articles of Impeachment na magmumula sa Kamara.

Aniya nagbibigay lang siya ng opinyon sa kung ano ang kanyang nakikita at hindi sa kung ano ang motibo.

Read more...