4 na tauhan ng HPG arestado sa entrapment operation ng PNP-CITF sa Iligan City

Kalaboso ang apat katao sa ikinasang entrapment operation ng Counter Intelligence Task Force (CITF) sa Iligan City.

Alas-6:15 ng gabi ng Miyerkules nang magkasa ng operasyon ang CITF laban sa mga tauhan ng Regional Highway Patrol Group Unit 10 at Iligan City Highway Patrol Team.

Nakilala ang mga naaresto na sina Police Senior Insp. Rolando Rigat, SPO2 Crisanto Bernardo, Mac Harvey Abad at Sidney Cañete na parehong HPG auxillary.

Nabatid na tumanggap ang naturang mga opisyal ng P3,000 na lagay mula sa sasakyan na kanilang inisyuhan ng traffic violations.

Nakuha ang marked money sa loob ng palikuran ng hepe ng ICHPT nang sinubukan itong idispatsa.

Habang nakuha rin mula rin sa drawer ng kanyang kwarto ang hiwalay na P5,000.

Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng tawag ang Iligan Police mula sa kanilang Citizens Complaint Hotline na may isang motorista sa bahagi ng Macapagal Highway ang kinikilan ng mga HPG personnel.

Sasampahan ang mga naarestong pulis ng mga kasong kriminal at administratibo.

Read more...