Minorya sa Kamara, ‘di sang-ayon sa paggamit ng quo warranto petition vs. CJ Sereno

Hindi sang-ayon ang minorya sa Kamara sa inihaing quo warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Korte Suprema.

Ayon kay Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., hindi tamang remedy ang quo warranto sa mga impeachable official tulad ni Sereno.

Malinaw anya na nakasaad sa Saligang Batas na maaalis lamang ang punong mahistrado ng Supreme Court at iba pang impeachable officials sa pamamagitan ng impeachment.

Nakasaad din aniya dito kung anu-ano ang mga grounds kung para ma-impeach ang mga ito.

Paliwanag ni Garbin, sa pagitan ng specific provisions ng Saligang Batas at provision ng general at special law, ang masusunod ay ang sa Saligang Batas kung saan nakasaad ang impeachment.

Naniniwala naman ang mambabatas na hindi kaagad ibinasura ng korte ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida bilang pagrespeto sa tanggapan nito, hindi tulad ng ginawa sa petisyon ni Atty. Oliver Lozano.

Read more...