Operasyon ng contractor ng gumuhong bunkhouse sa Cebu suspendido

Photo courtesy of Cebu Daily News

Agarang ipinag-utos ng Office of the Building Official (OBO) ng Cebu City ang suspensyon ng lahat ng proyektong hawak ng J.E. Abraham C. Lee Construction and Development Inc. na siyang contractor at may-ari ng gumuhong bunkhouse sa Barangay Lahug, Martes ng umaga.

Ayon kay Cebu City Legal Officer Joseph Bernaldez, napag-alaman nilang 2001 pa nang huling i-renew ng nasabing contractor ang kanilang business permit.

Wala rin aniyang permit ang kumpanya na magtayo ng bunkhouse sa nasabing lugar. Dagdag pa nito, kung titingnan ay bilang storage room lamang ng mga construction materials ang bunkhouse at hindi para tirhan ng mahigit 160 na mga construction workers.

Hinimok rin ni Bernaldez ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Central Visayas na tingnan kung nasunod ba ng contractor ang mga nakatakdang safety protocols.

Matatandaang limang mga trabahador ang namatay dahil sa pag-collapse nito, habang sugatan naman ang 154 na iba pa.

Kinilala ang mga namatay na sina Iveen Villarin, Jason Bacalso, Francisco Diapera, Carlos Caliwa, at Crisenciano Silomen.

Kapwa nagsasagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Cebu City OBO at DOLE Region 7 tungkol sa naturang insidente.

Read more...