2 indibidwal arestado sa buy bust operation sa loob ng isang apartelle sa QC

Kuha ni Justinne Punsalang

Timbog ang dalawa katao, kabilang ang isang dati nang surrenderee sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP) sa ikinasang buy bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 sa loob ng isang apartelle sa Cubao.

Kinilala ang mga suspek na sina Dennise Marie Enriquez alyas Den-den, 27 taong gulang na residente ng San Juan at Amin Tormis alyas Mak-mak, 28 taong gulang na residente naman ng Barangay Immaculate Concepcion sa Quezon City.

Ayon kay Superintendent Luis Tremor, hepe ng QCPD Station 7, nanggaling ang impormasyon tungkol sa operasyon ng iligal na droga ni Enriquez mula sa isang confidential informant.

Ayon umano dito, sa loob ng isang apartelle sa Barangay E. Rodriguez sa Cubao nagaganap ang mga transaksyon ni Enriquez.

Matapos kumpirmahin ang impormasyon ay doon na nagplano ng buy bust operation ang mga otoridad, kung saan agad na naaresto si Enriquez, maging ang kanyang kasamahan sa modus na si Tormis.

9 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang narekober mula sa dalawa.

Mahaharap sina Enriquez at Tormis sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, ito na ang ikaapat na drug buy bust operation ng QCPD Station 7 na ikinasa sa loob ng iisang apartelle.

 

 

 

 

 

 

Read more...