Ipinagtanggol ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino kaugnay sa naging performance ng Playgirls sa birthday party ni Laguna Cong. Benjie Agarao.
Para kay Estrada hindi maituturing na bastos o immoral ang pagsasayaw ng mga kababaihang nauna nang napaulat na “birthday gift” ni Tolentino sa nasabing mambabatas.
Ang mahalaga ayon sa dating pangulo ay hindi naghubad ng kanilang mga suot ang mga dancers sa party.
Binanggit din ni Estrada na uso naman ang “twerk dancing” kaya ayos lang ang ginawa ng Playgirls sa ibabaw ng entablado.
Kasabay ng pagtatanggol kay Tolentino ay inindorso rin ni Estrada ang kandidatura ng MMDA Chairman bilang senador.
Sinabi ni Erap na magiging mahusay na mambabatas si Tolentino dahil sa lawak ng kanyang karanasan sa pamamahala sa gobyerno.
Si Tolentino ay naging City Mayor ng Tagaytay mula 1995 hanggang 2004 at isa ring abogado.
Pinayuhan din ni Erap ang ilang kababaihang kasapi sa Liberal Party na mag-isip muna bago tuligsain si Tolentino at pag-isipan na sipain sa kanilang partido.
Para kay Estrada, ang mga katangian daw ni Tolentino bilang isang opisyal ng gobyerno ang kailangan ng Senado.
Hindi rin daw dapat batikusin ang MMDA Chairman dahil sa mabigat na daloy ng trapiko dahil maraming bagay ang dapat ikunsidera tulad ng kaliwa’t kanang mga construction at maling urban planning.