Nabuwag ng mga tauhan ng National bureo of Investigation (NBI) ang isang sindikato ng mga kidnappers na nambibiktima sa Metro Manila at Southern Luzon area.
Nadakip ang mga suspek makaraan nilang dukutin ang isang Indian National sa Makati City kamakailan.
Ang mga nadakip sa kanilang hideout sa Cabuyao Laguna ay nakilalang sina Ahmed Chaudry na isang Pakistani National, Jimmy Cortez Isetan, at ang dalawang Indian Nationals na sina Pradeem Kumar Sharma at Joshi Tarun.
Ayon kay NBI-NCR Dir. Max Salvador, ang nasabing mga suspect ang dumukot sa biktimang si Juhar Singhs, isang Negosyante na dinukot noong nakalipas na September 25 habang naniningil ng kanyang mga pautang sa Edison st. Brgy. San Isidro Makati City.
Kaagad na nakipag-ugnayan sa mga tauhan ng NBI ang mga kaanak ng biktima makaraang humingi ng P20-Million ransom ang mga suspect. Napanggap ang mga tauhan ng NBI na mga kaanak ng biktima kung kaya’t nagpatuloy ang tawaran para sa ikalalaya ni Singh.
Pumayag ang mga suspect na makipag-kita sa kanila’y inaakalang kaanak ng biktima na pawang mga tauhan ng NBI. Sa hideout ng mga suspect ay na-rescue nila si Singh na nakaposas ang mga kamay at paa. Sinabi ng biktima na siya’y binugbog at pinahirapan ng mga suspect para pilitin ang kanyang mga kapamilya na magbayad ng ransom.
Nabawi sa mga arestadong suspect dalawang baril na may marka ng “Philippine National Police” at inaalam na ng mga otoridad kung kanino naka-issue ang nasabing baril.
Bukod kay Singh, sinabi ng NBI na dati na ring may dinukot na negosyante ang mga suspect pero ito rin ay kaagad nilang pinalaya kapalit ng P4Million na ransom.