Kumakalat ngayon sa social media na litrato ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño habang nakasuot ng uniporme para sa mga Rear Admiral ng Philippine Coast Guard Auxiliary.
Ang PCGA ay ang volunteer arm organization ng PCG.
Batay sa records na hawak ng PCGA membership, lumalabas na hindi lehitimong miyembro ng nasabing organisasyon si Diño.
Ibig sabihin nito ay hindi siya karapat-dapat na magsuot ng uniporme ng PCGA.
Sa ilalim ng Republic Act 9993 o Philippine Coast Guard Law of 2010, tanging ang PCG lamang ang mayroong otoridad sa PCGA membership at mga gawain nito.
Kaya naman mayroong karapatan ang PCG na maghain ng formal complaint laban kay Diño sa pagsusuot nito ng uniporme ng PCGA. Kabilang sa posibleng ikaso kay Diño ang usurpation of authority at iba pang paglabag sa batas.
Makikipag-usap ang PCG kay Diño tungkol dito.
Ayon sa PCG, posible lamang na-recruit si Diño ng bogus PCGS na napag-alamang nangongolekta ng pera mula sa kanilang mga bagong miyembro.
Biniberipika na rin ng PCG ang mga ulat tungkol sa isang Admiral Villanueva ng Manila Yacht Club na siya umanong nasa likod ng modus.