Nagsayaw ng tradisyunal na “Kuratsa Mayor” ang mga kababaihang magsasaka mula sa Eastern Visayas bilang pagkontra sa isinusulong na Charter change at pagsuporta kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kinontra ng mga miyembro ng Northern Samar Small Farmers Association ang pagsusulong ng Chacha ng Duterte administration na papatay umano sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Marissa Cabulao, secretary general ng grupo, hindi makatutulong sa mga maliliit na magsasaka ang Chacha dahil papayagan nitong mag-may ari ng lupa ang mga dayuhan.
Lalo lamang rin umanong malulubog ang mga magsasaka na naapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon pa kay Cabulao, suportado nila si Chief Justice Sereno dahil siya na lamang ang kanilang pag-asa sapagkat si Sereno na lang ang opisyal ng gobyerno na tumututol sa Chacha.
Ayon sa grupo, ang pagsayaw ng ‘Kuratsa Mayor’ ang kanilang tugon sa Chacha na tinawag nilang sayaw ng kamatayan ng Duterte administration.
Inaasahang lalahok rin ang mga kababaihang magsasaka sa ikakasang pagkilos kasabay ng International Women’s day sa March 8.