Impeachment complaint vs Sereno sa Kamara, walang probable cause – Akbayan

Inquirer file photo

Walang nakikitang probable cause si Akbayan Rep. Tom Villarin sa nakabinbing impeachment complaint sa Kamara laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Villarin na pulitika lamang ang impeachment laban kay Sereno kung saan kinukwestyun nito ang kanyang statements of assets, liabilities and net worth (SALN).

Sinabi pa ni Villarin na mahina ang mga ebidensyang iprinisinta laban kay Sereno.

Giit pa ni Villarin ang ibang kasong administratibo na isinampa kay Sereno ay maari namang sinolusyunan na sa Supreme Court en banc at hindi na sa impeachment court.

“Ang mga administrative charge laban kay Sereno, dapat sa SC en banc na lang at hindi na sa impeachment court,” pahayag ni Villarin.

Pakiusap ni Villarin sa mga kapwa-mambabatas, pairalin ang rule of law at hindi ang kulay-pulitika sa pagboto sa impeachment complaint laban kay Sereno.

Dapat aniya isaalang-alang ng mga mambabatas na hindi si Sereno ang inaatake sa impeachment kundi ang kabuuan at ang kalayaan ng sangay ng hudikatura.

Kawawa kasi aniya ang taong bayan kung hindi naririnig ang kanilang hinaing sa kongreso. Hinimok pa ni Villarin ang mga kapwa-mambabatas na huwag matakot na kontratahin ang liderato ng Kongreso basta’t siguraduhin lamang na nasa tama.

Nakababahala aniya ang madaliang impeachment trial laban kay Sereno pero hindi pa rin siya susuko at patuloy na lalaban.

Read more...