Ito ang nilalaman ng mismong watchlist ni Duterte habang papalapit ang Barangay at SK elections sa Mayo 14. Bukod dito, sinasabi ng PDEA na sa kabuuang 40,036 baranggays sa buong bansa, merong 49.6% ang may problema sa ilegal na droga na 20,876 baranggays.
Sa Metro Manila, 96.48% ng mga baranggay ay drug-affected pa rin kahit magdadalawang taon na ang Duterte administration at tumimbwang na ang libu-libong pusher at adik noong 2016 at 2017. (pic by Cebu daily news)
Ngayon, nakakabalita tayo ng “shabu repacking” sa isang baranggay sa Tondo, o kaya’y family business ng shabu sa QC at Caloocan. Meron ding mga “drug den” na kahit mga apo ng mga maintainer ay kahalubilo ng mga adik.
Sa ganang akin, ang mga problemang ito’y talagang “pambaranggay na sakit na ulo” na kahit ilang ulit mag-raid ang PNP, PDEA, Tokhang man o double barrel, parang hindi natitinag ang “hanapbuhay” daw ng mga nahuhuli at nagmamakaawa pang suspects.
Sa totoo lang, ang mga kriminal ay imposibleng hindi mabalitaan sa “baranggay”. Ika nga, kahit mga kriminal ay meron ding baranggay o bahay na uuwian.Alam nila kung sino ang estranghero sa lugar, mga pamilyang sangkot sa ibat-ibang raket tulad ng “pandurukot”, “holdap” , “budul-budol “ , akyat-bahay, “riding in tandem na snatchers” lalo na ang mga nasa “ilegal na droga”. Kilala nila ang “juvenile gangs” o menor de edad na walang ginawa kundi mag-riot o gumawa ng krimen, dahil hindi naman sila makukulong.
Kaya naman, kalokohang magmaang-maangan sa mga kriminal si Kapitan at Kagawad at kung sila’y duwag o tinakot na, aba’y umalis na sila at mag-resign. Kung drug lord talaga si Kap, ang mga kriminal ang kanyang “goons” at para manalo siya sa susunod na eleksyon.
At kung pipili tayo ng kandidato sa baranggay chairman kagawad at SK, ang dapat kunin ay matatapang at tunay na nagmamahal sa baranggay para malinis sa krimen. Popular nga,pero duwag naman, huwag na sana.
Unang aksyon siguro ay pagpapalawak ng kanilang CCTV systems para mabantayan ang mga ‘crime prone areas sa baranggay”. Ikalawa, isagawa ang imbentaryo ng rehistro ng mga motorsiklo sa bawat baranggay. Kung wala sa pangalan ng rider ang dala niyang motorsiklo, malamang “nakaw” iyan. Ikatlo , kailangan ang pagtatalaga ng “mobile baranggay checkpoints” na sa pagsapit ng gabi ay pwedeng i-supervise ng isang pulis o mobile mula sa pinakamalapit na PCP . Ang sinasabi ko rito ay “checkpoints” sa loob ng baranggay, hindi sa mga “main roads” kung saan nandoon na ang PNP-NCRPO.
Noong nakaraang taon, 33% ng mga homicide cases sa Metro Manila ay dahil sa “riding in tandem” criminals kung saan dalawang kaso lamang ang nalutas, isa sa Mandaluyong at isa sa Maynila.
Totoong mas bumaba ang mga insidenteng ito, pero palpak pa rin ang solusyon ng mga pagpatay dahil konti lang o wala halos nahuhuli. (pic by Cebu Daily News)
Sa ganang akin, ang tunay na kapayapaan ng bawat Pilipino ay manggagaling talaga sa loob ng bawat baranggay natin. Sila ang “unang-unang” gobyerno na apektado ang ating pamilya. Kung ang kapitan ay popular pero corrupt o kaya’y duwag, sayang lang ang boto natin.