Umakyat na sa 999 ang bilang ng mga patay sa naganap na stampede sa Hajj Pilgrimage sa Saudi Arabia kamakailan.
Sa report ng Associated Press, sinabi ng Iranian government na umabot sa 465 ang patay sa kanilang mga kababayan at inakusahan nila ang pamahalaan ng Saudi ng pagtatago ng tunay na bilang ng mga patay.
Sinabi rin sa ulat ng Associated Press na itinatago ni Faisal Alzahrani, spokesperson ng Saudi Health Ministry ang tunay na bilang ng mga patay kung saan karamihan sa mga ito ay maaaring nailibing na pero hindi ipina-alam sa embahada ng ibat-ibang mga bansa na pinagmulan ng mga pilgrims.
Nauna dito ay nagpahayag din ng kanilang sintemyento ang ilang mga Muslim countries dahil hindi maayos ang pakikipag-ugnayan sa kanila ng mga namamahala ng Hajj hingil sa tunay na bilang ng mga casualties sa September 24 stampede.
Pati ang aktuwal na bilang ng mga isinugod sa ospital ay hindi pa rin inilalabas ng Saudi Government dahil inaalam pa raw nila ang records mula sa ibat-ibang mga pagamutan hanggang sa mga oras na ito.
Ang tanging inilalabas na impormasyon ng Pamahalaan ng Saudi ay ang bilang ng mga patay na umaabot sa 769 samantalang 934 naman ang mga injured.
Sa nakalap na impormasyon ng AP kanilang inilagay ang aktuwal na bilang ng mga patay at sugatan na kanilang nakuha mula sa ibat-ibang mga bansa na may mga pilgrims na dumalo sa taunang Hajj. Sinabi ng Egypt na umaabot sa 124 pilgrims ang namatay sa kanilang hanay, 64 sa Nigeria, sa Mali ay 60, Indenesia ay 59, 52 sa Pakistan, sa India ay 51, Cameroon 42, Bangladesh 41, sa Ethiopia ay 13, Chad ay 11, sa Kenya ay 6, lima sa Morocco tatlo sa Turkey at isa sa Pilipinas.
Bukod sa nasabing bilang, iniulat ng A.P na karamihan din sa nasabing mga bansa ang nagsabing marami sa kanilang mga pilgrims ang hanggang sa ngayon ay hindi Makita at ipinalalagay na kasama na sa mga namatay pero hindi ito isinama sa report ng Saudi government.