Sa video na ibinahagi sa Facebook ng page na ‘Michael Alfredo Faminial – Triathlete’, makikita na makailang beses na sinampal at pinagmumura ng isang estudyante ang kapwa niya estudyante na tila suportado pa ng kanyang mga kaibigan.
Isa pa ang nagbabala na hindi pa tapos ang paghihiganti ng grupo sa batang binubully at sinabing kakaladkarin pa ito kinabukasan.
Ang naturang video ay mayroon nang higit 4.4 million views sa Facebook, 200,000 shares at halos 80,000 reactions.
Dahil sa pagkalat ng video sa social media ay nagpalabas ng opisyal na pahayag ang paaralang kinabibilangan ng mga estudyante na napag-alamang ‘Sacred Heart College’ sa Lucena City.
Naayos na ayon sa school sa pamamagitan ng dayalogo ang naturang bullying incident noon pang nakaraang taon.
Iginiit ng paaralan na napilitan lamang silang muling buksan ang kaso matapos magreklamo ang mga magulang ng batang biktima.
Naniniwala umano ang Sacred Heart College sa due process at nanindigang ibibigay sa mga responsableng panig ang karapatang idepensa ang kanilang mga interes.
Ipinahayag din ng paaralan na hindi nila kinukunsinte ang bullying at labag ito sa katuruan at moralidad ng institusyon.