Halos kalahating milyon pisong halaga ng marijuana, nasabat sa Parañaque City

Kuha ni Justinne Punsalang

Aabot sa P455,000 na halaga ng tuyong mga dahon ng marijuana ang nakumpiska ng mga elemento ng National Capital Region Police Office – Regional Drug Enforcement Unit (NCRPO-RDEU) mula sa isang lalaki sa lungsod ng Parañaque.

Kinilala ang naarestong suspek na si Michael Nordan, 25 taong gulang na tubo pa ng Kalinga, Apayao ngunit kasalukuyang nangungupahan sa Barangay Sun Valley sa Parañaque City.

Ayon sa hepe ng NCRPO-RDEU na si Police Chief Inspector Joey Arandia, tatlong araw nilang isinailalim sa surveillance si Nordan bago sila nagkasa ng buy bust operation at nagresulta sa pagkakasabat sa 6.5 kilograms ng marijuana.

Ani Arandia, posibleng mayroon pang tatlo at kalahating kilo ng marijuana na nauna nang naibenta ni Nordan.

Samantala, hindi naman na itinanggi pa ng suspek na kanya ang mga nakumpiskang iligal na droga. Aniya, galing pa ng Kalinga ang mga ito na binili niya sa halagang ₱6,000 ngunit ibinibenta niya ng ₱10,000 kada kilo.

Aniya pa, tatlong buwan na siyang nagbebenta ng marijuana.

Mahaharap si Nordan sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...