Gusot sa PDP-Laban ayaw nang pakialaman ni Duterte

 

Dumistansya ang Palasyo ng Malacañang sa away ng ilang kapartido ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban.

Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, ipinauubaya na ng pangulo sa kanyang mga kapartidong sina Senate President Koko Pimentel, House Speaker Pantaleon Alvarez at Energy Secretary Alfonso Cusi ang pagtugon sa mga sentimyento ng kasamahan sa partido.

Naglabas kasi ng hinanakit ang chair ng National Council ng PDP- Laban na si Rogelio Garcia laban kay House Speaker Pantaleon Alvarez dahil sa aniya ay kalokohan ng mambabatas kaya napasok na umano sila ng ilang miyembro na sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Roque, bagaman ang Pangulong Duterte ang nananatiling chairman ng PDP-Laban, ipinauubaya na ng pangulo kina Pimentel, Alvarez at Cusi ang pang-araw araw na operasyon ng partido.

Nananatili aniya ang buong tiwala at kumpiyansa ng pangulo sa tatlo niyang mga kasamahang opisyal ng partido.

Naniniwala si Roque na maaayos din ang gusot sa partido sa susunod na mga araw.

Kamakailan ay binira ni Garcia si Alvarez dahi sa aniya ay ginagawang mass oath taking nito sa mga bagong miyembro ng partido nang hindi na isinasailalim pa sa mandatory basic seminar kaya tuloy nakalusot ang ilang miyembro ngayon na may dungis ang pagkatao.

Read more...