Wala nang mukha pang maiharap ang tinaguriang “solvent queen ng Lawton” matapos maaresto ng sa bahagi ng Jones Bridge sa Ermita Maynila pasado hatinggabi ng Huwebes.
Nakilala ang suspek na si Joy Sanchez, 31 taong gulang.
Ayon kay Lawton PCP Commander Police Senior Inspector Randy Veran, rumoronda ang mga pulis nang biglang nagtakbuhan ang mga kabataan dahil umano sa riot.
Tatlong kabataan ang nahulihan ng solvent na nakalagay sa isang bote at ilang plastic.
Itinuro nila kung saan binibili ang solvent sa halagang sampung piso kaya naaresto si Sanchez.
Bagaman noong una’y itinatanggi pa, kalauna’y inamin ni Sanchez na sa kanya galing ang solvent at iginiit na pinabebenta lamang ito ng isang Edmund.
Aminado naman ang mga nahuling parokyano ng suspek na nasa kinse hanggang bente anyos na gumagamit sila ng solvent dahil masarap ito at nawawala ang kanilang gutom.
Kakasuhan si Sanchez at dalawang kabataan ng paglabag sa Presidential Decree 1619 o paggamit o pagbebenta ng volatile substance habang ang menor de edad ay ituturnover sa Manila Reception and Action Center.