Nag-ikot ang mga elemento tauhan ng Caloocan City Police sa pamumuno ng kanilang hepe na si Senior Superintendent Jemar Modequillo para magsagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement o SACLEO sa North Caloocan.
Umabot sa 86 na mga nag-iinom sa kalsada at mga kabataang lumabag sa curfew, 3 ang naaktuhang gumagamit ng droga, 2 mayroong pending warrant of arrest, at 1 magnanakaw ang naaresto sa naturang operasyon.
Kinilala ang tatlong mga drug suspects na sina Mhel Yambao, John Salita, at Eduardo Serra.
Ayon sa tatlo, alam naman nilang bawal gumamit ng shabu ngunit hindi nila napigilan nang magkayayaan sa isang drug den.
Depensa ng mga suspek, hindi pa sila gumagamit nang datnan ng mga pulis sa drug den at mayroong nauna sa kanila na nagpot session doon.
Ayon naman kay Richard Regalado, suspendido siya sa trabaho kaya nagawang magnakaw.
Samantala, ayon kay Modequillo, dahil tapos na ang warning phase ay papatawan na ng karampatang multa at kulong ang 86 na mga nahuli na lumabag sa mga city ordinances.
Ngunit dahil pawang mga first offender pa lamang ay pinagbigyan ni Modequillo sa huling pagkakataon ang mga nahuli at pinag-pushup na lamang.
Ang 20 mga motor naman na nahuli dahil walang kaukulang papeles ay i-impound sa himpilan ng Caloocan City Police at ipapa-check sa Anti-Kidnapping Group upang malaman kung nakaw ba ang mga ito.