PNP, mas ganadong pagbutihin ang trabaho matapos tawaging ‘sakit sa ulo’ ng pangulo

Kahit masakit, tanggap ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sakit sila sa ulo ng gobyerno dahil sa mga pasaway na pulis.

Ayon kay PNP spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, hindi nila dapat ikahiya ang naging bansag sa kanila ng pangulo dahil isa itong pagkakataon para mas pagbutihin ang kanilang mga sarili.

Nangako rin sila na ipapakita nila sa pangulo na ginagawa nila ang kanilang tungkulin at sisikapin nilang solusyunan agad ang isyu ng pagkakasangkot ng mga pulis sa mga krimen at iligal na aktibidad.

Noong Lunes kasi ay sinabi ni Pangulong Duterte sa kaniyang talumpati sa Davao na wala siyang problema sa mga sundalo, ngunit nakukunsume siya sa mga pulis.

Bagaman nakukuha na aniya ng PNP ang respeto ng publiko, hindi naman nila mapanatili ito dahil maya’t maya ay may mga sumusulpot na pagkakasangkot na naman ng mga pasaway na pulis sa kalokohan.

Sa kabila nito, sinabi ni Bulalacao na magpapatuloy sila sa pagsasagawa ng internal cleansing sa PNP upang maalis nila ang mga police scalawags.

Read more...