Higit 100 drug suspects, arestado sa mga raid sa Lucena

Mahigit 100 drug suspects ang nasukol ng mga pulis sa isinagawa nilang raid sa mga hinihinalang drug dens sa Brgy. Dalahican sa Lucena City, Miyerkules ng hapon.

Bitbit ang mga kaukulang search warrants, sinalakay ng mga tauhan ng Quezon Police Provincial Office ang walong target na drug dens sa iba’t ibang bahagi ng naturang barangay.

Ilan sa mga drug dens ay natagpuan ng mga otoridad sa mga eskinita, at mayroon pang mga signage sa daanan patungo doon tulad ng “bawal ang makipag-transaksyon dito,” o “bawal tumambay dito.”

Ayon kay QPPO chief Senior Supt. Rhoderick Armamento, ilan sa kanilang mga naaresto ay pawang may mga record na at dati nang naaresto, habang ang iba naman ay mga newly validated lang sa kanilang drug watchlist.

Nakumpiska rin nila sa nasabing operasyon ang ilang plastic sachets ng shabu at iba’t ibang uri ng drug paraphernalia.

Pawang mga mangingisda, tricycle drivers, estudyante at mga trabahador sa daungan sa baybayin ang mga suki ng mga nagtutulak ng droga sa nasabing lugar.

Matapos maaresto ang mga suspek, nagsagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng on-the-spot drug testing sa mga ito sa covered court ng barangay, at hindi bababa sa 24 na ang nag-positibo kagabi.

Read more...