Grupo ng mga dolphins, naligaw sa Manila bay

Photo credits: PNP-Maritime Group of Manila

Isang grupo ng labindalawang dolphins ang naligaw at nakitang paikot-ikot sa Manila Bay, araw ng Miyerkules.

Unang rumesponde sa pambihirang insidente ang mga tauhan ng Manila Maritime Police Station dahil napadpad ang mga ito malapit sa kanilang tanggapan.

Halos dalawang oras nilang sinubukang itaboy ang mga ito, ngunit nagpatuloy ang pagpapaikot-ikot ng mga ito kaya nagpasaklolo na sila sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon sa information office ng BFAR na si Len Conant, mahalagang makaalis sa bahaging iyon ang mga dolphins dahil mapanganib ito sa kanila.

Marami aniya kasing basura sa Manila bay na maaring makain ng mga dolphins at ikapapahamak lang ito ng kanilang kalusugan.

Ginabayan ng BFAR ang mga ito na makabalik sa malalim na bahagi ng dagat kung saan sila ay mas ligtas.

Hinala ng mga otoridad, napadpad sa Manila bay ang mga dolphins dahil mayroon silang kasamahan na may sakit o nasugatan, o kaya naman ay naghahanap ng makakain.

Posible ring naingayan ang mga ito, dahilan para magkaproblema ang mga sonar ng dolphins at sila ay maligaw.

Mababatid na sensitibo ang mga sonar ng mga laman-dagat tulad ng dolphins na ginagamit nila sa pagtukoy ng kanilang tatahaking direksyon, at pakikipag-komunikasyon sa kanilang mga kasamahan.

Read more...