Malaswang pagtatanghal sa event sa Laguna, iniimbestigahan na ng Liberal Party

Playgirls 5
Kuha ni Marlon Ramos/PDI

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Liberal Party sa naganap na pagtatanghal ng grupong ‘playgirls’ sa pagtitipon ng Liberal Party sa Laguna kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Cong. Benjie Agarao.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni LP standard bearer Mar Roxas ikinalulungkot niya ang pangyayari, na naganap sa pagtitipon na kaniya mismong dinaluhan.

Ayon kay Roxas, pilit na ikinakabit sa kaniyang panganal ang naganap na pagtatanghal kahit pa wala siya noon sa lugar na pinangyarihan ng performance.

Ang performance ng tatlong miyembro ng nasabing grupo ay naganap matapos ang oath taking ng mga miyembro ng LP at nasa ibang bahagi umano ng compound noon si Roxas kaya hindi siya kasama sa audience.

Pinaalalahanan din ni Roxas ang mga kaisa nila sa “Daang Matuwid” na ‘iwaksi ang kahalintulad na gimik, dahil nakakabastos umano ito’. “Ikinalulungkot kong nangyari ito. Nagsasagawa na ang Partido Liberal ng mas malalim na pagsisiyasat sa ugat ng pangyayari. I remind those who stand with us on the Daang Matuwid: Iwaksi natin ang ganitong klaseng mga gimik lalo pa’t nakakabastos ito, at walang naitutulong sa pagtataas ng antas ng pampublikong diskurso,” ayon pa kay Roxas.

Ang nasabing pagtatanghal ay umani ng batikos sa social media at dawit din sa mga puna ang liberal party maging si Roxas.

Read more...