Nanawagan ang Senate Committee of Agriculture and Food na agad na itaas ang presyo ng palay na binibilli sa mga lokal na magsasaka.
Ipinanukala ni Senador Nancy Binay sa National Food Authority (NFA) Council na dagdagan nang P3 ang presyo ng kada kilo ng palay na ibinebenta ngayon nang P17.
Umapela si Binay sa NFA Council na baka maaaring bilhin sa mas mahal na halaga ang palay kahit ngayong anihan lamang.
Sa Hunyo pa kasi aniya papasok ang mga inangkat na bigas mula sa ibang bansa.
Suportado naman ni Senador Cynthia Villar, chairperson ng komite ang mosyon ni Binay.
Gayunman, tumawad si Villar at sinabing baka maaaring kahit piso lamang ang umento sa presyo ng palay para maiwasang tumaas din ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin.
Paliwanag ni Villar, hindi maaaring ipatupad ang malaking dagdag-presyo dahil maaapektuhan din ang presyo ng iba pang produkto.
Naniniwala ang senador na ang pagtataas ng presyo ng palay ang pinakamabilis na solusyon sa kakapusan ng bigas.