Kung si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang tatanungin ay wala siyang balak na maghain ng kanyang leave of absence taliwas sa naging pahayag ng kanyang mga abogado.
Ito ang sinabi ng ilang media sources sa loob ng Supreme Court kaugnay sa inihaing leave of absence ng Punong Mahistrado.
Sinabi ng source na napilitang magbakasyon muna si Sereno makaraan niyang makapulong ang dalawa sa mga pinaka-senior member ng Supreme Court na sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Presbetero Velasco.
Kahapon ay lumutang ang mga balitang kokomprontahin ng sampu sa labinglimang mga justices si Sereno kaugnay sa mga kontrobersiya na kanyang kinakaharap.
Ang nasabing face-off ay mangyayari sa en banc session ng Supreme Court pero hindi na ito nangyari dahil sa paghahain ng leave of absence ni Sereno.
Sa nasabing paghaharap daw ay hihingin sana ng mga mahistrado na magbakasyon at tuluyan nang iwan ni Sereno ang kanyang pwesto.
Kapag hindi niya ito ginawa ay lalabas sa publiko ang mga mahistrado ng Supreme Court at doon nila hihingin ang resignation ng Chief Justice.
Hanggang sa huli ay pinanindigan ng Punong Mahistrado ang kanyang pahayag na mali ang mga bintang sa kanya ayon pa sa source.
Nabago lamang ang kanyang posisyon nang makausap niya sina Carpio at Velasco.
Kahapon sa pamamagitan ng kanyang Twitter account ay nagpahiwatig na rin si Associate Justice Marvic Leonen na kailangang iwan ni Sereno ang kanyang pwesto para maisalba ang Suprem Court sa kontrobersiya.
Sinabi pa ng source na si Leonen rin ang nagpanukala na gawing pansamantalang pinuno ng Supreme Court si Carpio na siyang pinaka senior officials sa hanay ng mga mahistrado.