Rep. Benjie Agarao, nag-sorry sa naganap na malaswang pagtatanghal sa kaniyang birthday party

Playgirls
Kuha ni Marlon Ramos/PDI

Todo hingi ng paumanhin si Laguna 4th District Representative Benjie Agarao sa publiko dahil sa naganap na malaswang pagtatanghal sa kaniyang birthday party na umani nang batikos sa social media.

Ang video ng mga tatlong babaeng miyembro ng grupong ‘playgirls’ na nagsasayaw ng malaswa ay kumalat na sa mga social media at ipinakita rin sa video habang sinasayawan ng mga babae ang ilang guest sa kaarawan ni Agarao.

Paliwanag ni Agarao, hindi umano niya alam na may naganap na malaswang pagsasayaw sa kaniyang party at napanood na lamang niya ito sa mga kumalat na video.

Aniya, noong nagaganap ang pagtatanghal, umalis siya sandali para ihatid si Liberal Party presidential bet Mar Roxas na noon ay paalis na sa lugar.

“Noon ko nga lang din ho nakita, napanood ko nga lang din ho dahil katatapos lang ho ng aking programa unang part ng aking karaawan ang oath taking ng mga kandidato dahil inihatid ko ho si president mar at saka umalis na rin si chairman tolentino, pagbalik ho eh meron pang nagsasayaw pero hindi ko nakita yung sinasabi nilang merong audience participation na malaswa hindi ko ho aktwal na nasaksihan iyon,” ayon kay Agarao sa panayam ng Radyo Inquirer.

Sinabi ni Agarao na humihingi siya ng paumanhin sa kanyang mga constituents at sa publiko dahil sa nangyari na hindi umano niya alam at hindi niya intensyon.

Nilinaw din ni Agarao na wala siyang impormasyon kung ang tatlong babae ay regalo nga ni Chairman Francis Tolentino ng MMDA. Aniya, wala namang nabanggit si Tolentino na may regalo itong mga dancers sa kaniyang kaarawan. “In fairness po kay Chairman Tolentino wala po siyang sinabi sa akin na “pareng Benjie o Congressman ako ay merong surprise gift sa iyo at ito ay mga mananayaw,” dagdag pa ni Agarao.

Sinabi ni Agarao na kung marami ang nalaswaan sa pangyayari, siya ay labis na humihingi ng paumanhin.

Tiniyak din ng mambabatas na hindi na mauulit ang nasabing insidente sa mga susunod na event, party o anomang pagtitipon sa kaniyang distrito. “saka kung medyo may kalaswaan ako nga ay humihingi ng pasensya sa taumbayan at saka dito sa aking mga kababayan na hindi ganoon ang intensyon ng aking kaarawan, kung nangyari man po iyan, ako po ay patawarin nila dahil hindi ko po alam na iyan po ay magiging bahagi ng aking kaarawan,” paliwanag pa ng mambabatas.

Nakarating na rin kay Agarao ang impormasyon na nadismaya si House Speaker Sonny Belmonte sa pangyayari at nais nitong alamin ang puno’t dulot ng insidente.

Sinabi ni Agarao na hindi pa sila nagkakausap ni Belmonte dahil inabot nga ng umaga ang kaniyang pagdiriwang ng kaarawan, subalit handa naman umano siyang harapin ang house speaker.

At dahil kaarawan naman ngayon ni Belmonte, may payo si Agarao sa house speaker, “Happy Birthday po kay speaker, sana po walang makapagsayaw (na playgirls), iingatan nyo po at baka kayo eh…” Matapos ang pahayag na ito ni Agarao para kay house speaker Belmonte ay sinabi ng mambabatas na siya ay nagbibiro lamang.

Read more...