Matapos humarap muli kahapon sa pagdinig tungkol sa kontrobersya sa Dengvaxia, sinabi ni Aquino na 2010 pa lang ay mayroon nang isyu sa pagdami ng mga kaso ng dengue sa bansa.
Nasabihan aniya siya na mayroong paparating na bagong pangontra sa nasabing sakit noong 2014 at na matatapos ito ng 2015.
Sa kabila ng mga pambabatikos, iginiit ni Aquino ang matinding pangangailangan sa nasabing bakuna dahil sa mataas na bilang ng mga tinatamaan ng Dengue sa bansa.
Responsibilidad niya aniya bilang pinuno ng pamahalaan na maghanap ng anumang magpapalakas sa proteksyon ng taumbayan laban sa naturang sakit.
Nagkataon naman aniya na dumating na ang Dengvaxia na dumaan sa lahat ng proseso ng pagtiyak sa kaligtasan at pagiging mabisa nito.
Ito aniya ay isang proteksyon maliban sa vector control, na nagmumula mismo sa katawan ng mabibigyan ng gamot.
Nanawagan naman ang dating pangulo na sa halip na bigyan ng mga haka-haka ay pagkalooban ng tamang impormasyon ang mga magulang na naturukan ng Dengvaxia ang mga anak upang hindi ito magdulot ng takot sa publiko.