Tatlong araw lang nanatili ang mga Pilipinong scientists sa research vessel ng China na pinayagang manaliksik sa Philippine Rise sa loob ng anim na araw.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Cesar Villanoy ng University of the Philippines Marine Science Institute na hindi sila nakapagbigay ng mga tauhan na makakasama sa expedition sa kabuuang tagal nito na 30 araw, mula sa departure nito hanggang sa pagbalik ng vessel sa China.
Hindi aniya ito magagawa ng mga tauhan ng MSI dahil may mga klase pang tuturuan ang mga nasabing scientists, at wala namang port calls sa Pilipinas sa kasagsagan nito.
Paliwanag ni National Security Adviser, ang bawat research teams ay kailangang magsama ng mga Pilipinong scientists para mapayagang mag-explore sa Philippine Rise dahil kung hindi, ay hindi rin sila maaring magpatuloy.
Gayundin ang sinabi ni Department of Foreign Affairs Asec. on Maritime and Ocean Affairs Lourdes Yparraguirre kaugnay ng kondisyon sa pagbibigay ng research permits.
Dahil dito, nasabi ni Sen. Bam Aquino na paglabag ito sa permit na ibinigay ng Pilipinas sa research team ng China.
Giit ng Senador, kung hindi pa handa ang mga scientists ng Pilipinas ay dapat munang ipagpaliban ang nasabing research.
Kailangan aniyang maging maingat ng gobyerno sa pagbibigay ng mga ganitong permit sa ating teritoryo.
Ayon pa kay Aquino, ang gobyerno ng Pilipinas lang ang makapagsasabi kung kailan maaring isagawa ang research.