‘Partial lifting’ ng deployment ban sa Kuwait, suportado nina Binay at Hontiveros

 

Pabor ang dalawang senador na magkaroon ng ‘partial lifting’ ng deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa bansang Kuwait.

Ayon kay Senadora Nancy Binay, dapat payagang makalipad at makapagtrabaho sa nasabing bansa ang mga skilled workers.

Sinegundahan naman ito ni Senadora Risa Hontiveros.

Aniya, kailangan munang bigyan ng hustisya ang pagkakapatay kay Joanna Demafelis at magkaroon ng kongkretong proteksyon ang mga domestic helpers bago sila payagang magtrabaho sa Kuwait.

Sa ngayon ay nasa Kuwait na ang ilang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa joint bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Nagkaroon naman ng ilang mga suhestyon ang Filipino community doon na maaaring magamit para sa bilateral talks.

Kabilang dito ang dapat ay hawak ng mga OFW ang kanilang mga passport, dapat ay payagan silang magkaroon ng sariling cellphone, dapat ay ideposito ng kanilang mga amo ang kanilang sweldo sa bangko kung saan maaari itong makuha ng mga OFW sa pamamagitan ng ATM card, at dapat ay maipatupad nang buo ang Kuwait Domestic Workers Law.

Samantala, nandindigan naman ang pamahalaan sa pamamagitan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na hindi tatanggalin ang deployment ban sa Kuwait hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang nangyari kay Demafelis.

Read more...