Gastos ng DENR sa Boracay crackdown aabot na sa P9.5-M

Ngayon pa lang ay umaabot na sa P9.5 milyon ang halaga ng nagagastos sa pondo ng bayan dahil sa paghabol ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga sumusuway sa environmental laws sa Boracay Island.

Ayon sa tagapagsalita ng DENR na si Usec. Jonas Leones, ang nasabing halaga ay binubuo pa lamang ng projected expenses sa surveys ng mga illegal occupants, demolisyon ng mga illegal structures, monitoring sa mga operasyon at mga hakbang para maresolba ang mga problema sa solid waste, pati na ang paghahain ng reklamo laban sa mga pasaway.

Hindi pa aniya kasama rito ang gastos sa biyahe at operasyon ng hindi bababa sa 120 na tauhan ng DENR mula sa mga regional offices at bureaus.

Inaasahan kasing mananatili ng hanggang anim na buwan ang mga miyembro ng task force na inatasang ayusin ang problema sa kapaligiran ng nasabing isla.

Anim na buwan kasi ang ibinigay na deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DENR para ito ay maisakatuparan.

Nagtayo ng command center sa isang hotel sa Boracay at sa isa pang hotel sa bayan ng Nabas ang national task force.

Ayon kay Leones, ang nabanggit ay pawang inisyal na halaga pa lamang dahil ang kabuuan nito ay isasapinal ng multi-agency task force na bubuuin ng Department of Tourism at Department of Public Works and Highways.

Sa ngayon ay nasa 181 na notices of violations na ang naisilbi ng mga grupo ng DENR sa mga pasaway na establisyimentong lumalabag sa Clean Water Act at Clean Air Act.

Read more...