Umakyat na sa 39 ang bilang ng mga nasawi matapos mabakunahan ng Dengvaxia vaccine.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Duque na sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ng Department of Health ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Hindi pa naman matiyak ng kalihim kung direktang may kaugnayan sa Dengvaxia ang pagkamatay ng mga ito dahil kasalukuyan pa rin itong iniimbestigahan.
Kinontra din ni Duque ang mga pahayag ng Public Attorney’s Office na konektado sa Dengvaxia ang pagkamatay ng mga nabakunahan.
Iginiit nito na dapat nang ihinto ang pagtuturuan dahil ang kailangan ay magtulungan ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng solusyon ang problema.
Hiniling naman ng kalihim sa mga opisyal ng gobyerno at iba pang sektor na maging maingat sa mga pahayag ukol dito upang hindi na madagdagan pa ang agam agam ng publiko.
Apektado rin ani Duque sa mga naglalabas balita ukol sa Dengvaxia vaccine ang iba pang vaccination program ng DOH.