Kasabay ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa buong Metro Manila, suspendido na rin ang pag-iral ng number coding ngayong araw.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa 9 at 0 ay papayagang makabiyahe ngayong araw sa Metro Manila. “As of 6:51 AM, the Number Coding Scheme is LIFTED today (October 2) in Metro Manila EXCEPT in Makati,” batay sa abiso ng MMDA.
Sinabi ng MMDA na ito ay para mabigyang pagkakataon ang mga motorista na makabiyahe pauwi lalo pa at inaasahang magiging masama ang panahon sa maghapon base sa abiso ng PAGASA.
Hindi rin muna magagamit ng mga commuters ang Pasig River Ferry, dahil sinuspinde rin ng MMDA ang biyahe nito.
Samanta, sa abiso naman ng Public Information Office ng Korte Suprema, hindi suspendido ang pasok sa mga korte sa Metro Manila ngayong araw.
Sa tweet sa kanilang official twitter account, sinabi ng Supreme Court na tuloy ang pasok at mga transaksyon sa mga korte sa buong Metro Manila at walang iniaanunsyong suspensyon.
Samantala sa lungsod ng Maynila, nakaranas ng gutter-deep na pagbaha sa tapat ng Manila City hall southbound kanina.
Maaga ring nag-deploy ng truck ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para magbawas ng mga sanga ng puno sa Roxas Boulevard dahil sa naranasang malakas na hangin at pag-ulan.