Dismayado si Senador Bam Aquino sa pahayag ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson na drama lamang ang pagharang ng mga madre sa tangke ng militar noong EDSA People Power Revolution.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aquino na sayang at iba ang pagkakaintindi ni Uson sa mga kaganapan noong 1986 kung saan nagkaisa ang taong bayan para labanan ang diktaturya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Aniya, “Sayang naman na ganyan ang pagtrato sa isang bagay sa isang panahon na naipakita ng taong bayan na matapang tayo na may kagustuhan na mapaganda ang ating bayan at magkaisa. Sayang! Sayang na ganyan ang kanyang pananaw.”
Ayon pa kay Aquino, naipakita noon ng taong bayan ang tapang sa kagustuhan na mapaganda ang bayan at pagkakaisa.
Gayunman, sinabi ni Aquino na marami pa rin sa mga Pilipino ang hindi magpapalinlang sa mga mensahe ni Uson.
Ani Aquino, “Palagay ko mas marami pa ring Filipino ang hindi nagpapalinlang sa ganyang mensahe. sayang na through the years na nakalimutan ang kagalingan ng ating lahi. Pero hindi pa naman huli ang lahat.”
Hindi pa naman aniya huli ang lahat para balikang muli ang kagalingan ng lahing-Pinoy na nagkaisa para sa pagbabago sa lipunan.
Gayunman, aminado si Aquino na may mga pagkakataon na napapagod na rin ang taong bayan na mahalin ang bayan at ipaglaban ang diwa ng EDSA people power revolution.
Pero ayon kay Aquino, bilang isang repormista, positibo pa rin siya na makakamit ang diwa ng EDSA People Power na labanan ang korapsyon, injustice at iba pang uri ng pang-aabuso sa lipunan.