Hindi kailangang mag-leave nina Budget secretary Florencio ‘Butch’ Abad at Undersecretary Mario Relampagos dahil sa imbestigasyon ng Ombudsman sa pagkakasangkot umano ng dalawa sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP.
Sinabi ni Communications Secretary Herminiio Coloma Jr., “Ayon sa batas ay wala namang pangangailangan para diyan dahil nasa paumpisa pa lamang o gaganapin pa lamang ang preliminary investigation.”
Ang pagsasagawa aniya ng imbestigasyon sa isyu ng DAP ng Ombudsman ay ang nakikita nilang tamang pagkakataon upang liwanagin ang mga isyu ukol dito.
Nangako na rin aniya ang DBM na tatalima sa gagawing imbestigasyon.
Una rito, ipinag-utos na ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang imbestigayon kina Abad at Relampagos sa reklamong technical malversation sa iyu ng DAP.
Ginawa ni Morales ang hakbang matapos sang-ayunan ang resulta ng isinagawang fact-finding investigation ng field investigation office ng Ombudsman.
Matatandang noong July 2014, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP.