Ayon kay Joint Task Force Sulu commander Brigadier General Cirilito Sobejana, naganap ang jailbreak dakong alas-10:40 ng umaga ng Sabado.
Ani Sobejana, nangyari ang pagtakas ng mga preso nang iwan ng jailguard ang kanyang pwesto.
Gayunman, agad na nahuli ng iba pang mga pulis na naka-duty ang 17 sa 29 na preso na tumakas.
Samantala, isinasagawa na ng mga awtoridad ang manhunt operations para sa ikadarakip ng 12 pang takas.
Nakipag-ugnayan na rin umano sina Sobejana sa mga himpilan ng pulis at mga opisyal ng mga karatig-bayan para matunton ang mga nakatakas na preso.
Napag-alamang 11 sa nakatakas ay may mga kinakaharap na kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang ang isa ay may kasong physical injury.
Kinilala ang mga drug suspects na sina Nurhassan Taasan, Junal Sali, Al-amil kipli, Dante Abdulla, Muthamir Pangambayan, Radzmir Salahuddin, Allim Misah, Abdulwahid Lipae, Alvin Hamdi, Algamer Bantala at Khan Balang.
Ang may kaso namang physical injury ay kinilalang si Herbert Bael.