Mga biktima sa ambush sa Tondo, nakilala na; isa sa kanila pumanaw na

Kuha ni Erwin Aguilon

Nalaman na ang pagkakakilanlan ng mga biktima ng pananambang sa isang AUV sa Tondo, Maynila Biyernes ng Umaga.

Ayon sa Manila Police District Station 7, sugatan ang Barangay Executive Officer ng San Agustin, Malabon City na si Harod ‘Chime’ Padilla 40 anyos habang ang drayber nitong si Christoper Roloque, 43 anyos ay nasawi dahil sa dami ng tama ng bala.

Sugatan din ang isang tricycle driver matapos matamaan ng ligaw na bala.

Maswerte namang nakaligtas ang asawa ni Padilla na si Irene na nakasakay sa likod ng AUV.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pananambang ganap na 9:55 ng umaga habang papalapit ang sasakyan sa kanto ng New Antipolo Street corner Solis Street.

Hindi tinigilan ng mga suspek ang pamamaril hanggang sa bumangga ang sasakyan sa poste.

Ilan sa mga tinitingnang anggulo ng mga awtoridad sa pananambang ay ang paparating na eleksyon, negosyo at away-pamilya.

Patuloy pa ring nagsasagawa ng follow-up operations upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa ambush.

Nagpapagaling naman ngayon sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Metropolitan Medical Center ang mga biktima.

Read more...