Ayon kay Lt. Col. Gerry Besana, hepe ng 6th Infantry Division ng Civil Military Operations (CMO) battalion, nagtamo ng sugat sa kaniyang kaliwang braso si Haon Sindatok na commander ng MILF 105th base command.
Naka-engkwentro ng grupo ni Sindatok ang mga miyembro ng 118th base command ng MILF sa pamumuno naman ni Ustadz Wahid Tundok.
Ang engkwentro na naganap sa Datu Saudi Ampatuan at Datu Salibo na nagsimula pa Huwebes ng gabi ay tumagal hanggang Biyernes ng madaling araw.
Sinabi ni Besana na nagsimula ang sagupaan matapos masawi sa pananambang ang konsehal sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan na si Sahabudin Namli, 42-anyos. Si Namli ay bayaw ni Tundok.
Dahil sa insidente, gumanti umano ang grupo ni Tundok sa grupo ni Sindatok dahil ito ang pinagbibintangan niyang pumatay sa konsehal.
Ang dalawang nasawi ay pinaniniwalaang miyembro ng magkabilang grupo, habang umabot sa 11 pa ang nasugatan sa insidente.
Daan-daang pamilya naman ang nagsilikas sa takot na sila ay madamay.