Ito ang reaksyon ng Malacañang matapos bumaba pa ang ranggo ng Pilipinas sa Corruption Perceptions Index 2017 ng Transparency International.
Ipinahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na sineseryoso ng Malacañang ang pagkalaglag ng Pilipinas sa ika-111 pwesto sa 180 bansa.
Sinabi ni Roque na gumawa na ng mga hakbang si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa katiwalian. Halimabawa nito ang pagsibak sa ilang opisyal, kabilang ang ilang myembro ng gabinete.
Iginiit ng opisyal na binalaan din ni Duterte ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na hindi niya kukunsintihin ang korapsyon sa kanyang administrasyon.
Ipinunto rin ni Roque ang pagbuo ng Presidential Anti-Corruption Commission, at pagbukas ng 8888 kung saan maaaring magreklamo ang publiko.
Maliban dito, pinabulaanan din ni Roque na limitado ang galaw ng mga mamamahayag sa bansa. Aniya, nakakapagpahayag pa rin naman ang media ng anuman ang nais nila, maging fake news.
Sa Corruption Perceptions Index 2017, kabilang din ang Pilipinas bilang isa sa “worst regional offenders” sa mga mamamahayag, aktibista, oposisyon, mga tauhan ng law enforcement, at watchdog agencies na pinagbabantaan o pinapatay.