Sa Lunes, February 26 ang ikalima at posibleng huling pagdinig na ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa usapin.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Rep. Johnny Pimentel, chairman ng komite, nagpasabi nang dadalo sa pagdinig sa Lunes si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Target aniya ng komite na tukuyin kay Aquino kung totoong nagbigay siya ng otorisasyon para sa realignment ng savings ng dating administrasyon upang magamit ang pera sa Dengvaxia.
Malinaw kasi ayon kay Pimentel na mayroong ‘undue haste’ o minadali ang paglalabas ng pondo upang mabili ang Dengvaxia at maipatupad ang programa.
Tiyak na rin ayon kay Pimentel na may mananagot na mga dating opisyal ng nagdaang administrasyon.
“Na kay President Aquino ang accountability, aalamin natin sa kaniya totoo bang inotorisa niya ang realignment ng savings para magamit sa Dengvaxia. Ang very clear dito ay there was undue haste, minadali ito, kailangan 5 years ang clinical trial niyan, pero ang ginawa sa Dengvaxia 2 years lang ang clinical trial,” ani Pimentel sa panayam ng Radyo Inquirer.
Sa labingsiyam na bansa aniya sa buong mundo na naging available ang Dengvaxia, ang Pilipinas ang pinakaunang bumili nito at ang Pilipinas din ang may pinakamaraming binili.