Sinabi ito ni Brig. Gen. Bienvinido Datuin matapos ang pahayag ni Dagoy kung saan tumanggi siyang humingi ng paumanhin kay Ranada o sa Rappler dahil sa komosyon nang hindi papasukin ng PSG sa Malacañang ang nasabing reporter.
Ayon kay Datuin, wala pa namang imbestigasyong nagaganap pero nakikipag-ugnayan na sila kay Dagoy upang alamin kung ano talaga ang nangyari.
Sa ngayon ay hinihintay lang muna nila ang magiging desisyon ng headquarters tungkol sa isyung ito.
Inaalam aniya ng AFP ang paliwanag ng magkabilang panig, at saka binigyang diin ang pagbabalanse sa pagitan ng press freedom at command responsibility.
Tiniyak naman niya sa mga mamamahayag na magbibigay sila ng update sa kung anuman ang magiging desisyon ng AFP kung magsasagawa sila ng pormal na imbestigasyon sa mga pahayag at ikinilos ni Dagoy.
Sinang-ayunin ni Datuin ang pahayag ni Lorenzana na “off the mark” at “uncalled for” ang sinabi ni Dagoy na mabuti na lang at hindi sinaktan ng tauhan ng PSG si Ranada sa kabila ng aniya’y pambabastos nito.
Gayunman, batid rin ni Datuin na ginamit ni Dagoy ang kaniyang sariling desisyon bilang commander alinsunod sa patakaran at alituntunin ng kaniyang unit kaugnay ng kapakanan ng kaniyang mga tauhan.
Umaasa naman si Datuin na magkakaroon ng kalinawan sa pangyayari at na huhupa na rin ang emosyon tungkol sa isyu.