Pilipinas kabilang pa rin sa pinaka-kurap na bansa sa daigdig

Inquirer 2017 infographics

Bumagsak pa ang ranggo ng Pilipinas sa Global Corruption Perception Index 2017 matapos makuha ang pinakamababang score sa loob ng limang taon.

Batay sa pinakahuling index ng Transparency International, mula sa 35 noong 2016, bumaba sa 34 ang score ng Pilipinas.

Dahil dito, mula ika-101 pwesto, nasa ika-111 pwesto na ang Pilipinas sa 180 bansa.

Pagdating sa Asia-Pacific Region, kabilang din ang Pilipinas sa “worst offenders” sa Asia-Pacific Region pagdating sa pagbabanta o pamamaslang sa mga mamamahayag, aktibista, mga lider ng oposisyon, mga tauhan ng law enforcement o mga ahensyang nagbabantay sa katiwalian.

Kasama rin sa worst offenders sa rehiyon ang India at Maldives.

Lumabas sa Corruption Perception Index na karamihan sa mga bansa ay may maliliit na hakbang o walang ginagawa sa pagsugpo sa katiwalian.

Nanguna naman sa listahan ang New Zealand sa score na 89 at Denmark sa score na 88.

Inihahanay sa index ang 180 bansa batay sa pinaniniwalaang antas ng katiwalian sa public sector batay sa analysis ng mga eksperto at mga negosyante gamit ang scale na 0 para sa pinakatiwali hanggang 100 na pinakamalinis.

Read more...