Aabot sa 50 kuliglig ang sinita ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau sa isinagawang operasyon.
Sa pagbaba ng Jones Bridge sa Binondo, Manila, inabangan ng mga tauhan ng MTPB ang mga kuliglig na walang permit na karamihan ay nagde-deliver ng mga gulay sa palengke.
Ayon kay Maximo Yabut, Operations Team Leader, kapag walang permit na naipakita sa kanila ang mga driver ay ma-iimpound ang minamaneho nilang kuliglig pero kung mayroon naman ay makakaalis na rin sila agad.
Ang isa sa mga nagmamaneho ng kuliglig na si Ericson Amaro, sinabing nahihirapan siya na kumuha ng permit sa Manila City Hall.
Ang isa naman sa mga nasita, nakaalis din matapos makitang nasa master list ng may permit ang pangalan ng driver.
Sa kabuuan, 7 kuliglig ang kinailangang iimpound dahil walang permit.
Matutubos ang mga nasabing kuliglig sa halahang P1,000.
Ilang araw nang nagsasagawa ng operasyon ang MTPB para mahuli ang mga walang permit na kuliglig.